Wednesday, March 18, 2009

Sa Gilid ng Paanan ng Diyos

Paano ko ba sisimulan ang aking sanaysay? Sa totoo lang ay kanina pa ako nahihirapan, dahil nais ko sanang bigyan kayo ng magandang panimula para sa inyong pagbabasa. Ngunit wala akong maisip na maganda. Sisimulan ko nalang it sa isang tanong: Masaya ka ba sa buhay mo ngayon?
Siguro, may mga bagay na nakakapagpasaya sa atin tulad ng pamilya, ang mahal sa buhay, o materyal na bagay tulad ng kayamanan, maayos na kalusugan, mga natamong tagumpay, o kahit mumunting bagay lamang tulad ng pagkain, bagong gadyet o laruan, o magandang pangangatawano katalinuhan. Ngunit sapat nga ba ang lahat ng ito, para masabing namuhay ka nga nang masaya, makasaysayan at matiwasay dito sa mundong ibabaw?
Ang sagot ko riyan ay hindi. Ayon sa aking mga karanasan at paniniwala, isa ito sa mga pinakamahahalagang leksyong aking natutunan sa buhay, at hinding-hindi ko ito makakalimutan. Bakit? Sasagutin ko ang tanong na iyan sa pamamagitan ng sarili kong karanasan.
Isa akong Kristiyano, isang anak ng Diyos na sumasamba at namumuhay para lamang sa Kanya. Ngunit mayroong mga pagkakataon na matigas talaga ang aking ulo at hindi ko nagagampanan ang nasabing pagka-Kristiyano. May mga oras na, ninanais kong mamuhay para sa aking sarili, at an sarili ko ang aking pupurihin. Noong mga panahong iyon ay hindi ko pa napapagtanto ang ginagawa ko ngunit akala ko ay masayang masaya na ako sa aking buhay na hindi ko na kailangan ang isang tulad ng Panginoon. Oo, napasa-akin kasi ang lahat- ang pamilya, maayos na kalusugan, kayamanan, maraming kaibigan, katalinuhan, tagumpay, at marami pang iba.
Pinabayaan ko ang aking mga tungkulin sa Panginoon, hindi ako nagdarasal sa Kanya, hindi ako nagbasa ng Bibliya at hindi rin ako nagsisimba. Ang mga naiisip ko sa mga panahong iyon ay, “Bakit pa ako hihingi ng tulong sa Kanya kung maayos naman ang buhay ko? Wala rin naman akong kakailanganin sa Kanya kaya bakit pa ako mag-aabala?” Inaksaya ko ang aking panahon sa mga walang kuwentang bagay tulad ng pakikipagbarkada, panonood ng telebisyon na nakakakurap ng utak, pagpapakasaya at puro pagdiriwang.
Ngunit nang tumagal ay nagsawa rin ako sa ganitong buhay. Unti-unting napagod, nanamlay, nawalan ng ganang lumabas, gumawa ng ano mang trabaho, mag-aral at magsaya. Unti-unti rin akong nalungkot nang hindi ko nalalaman ang dahilan. Dahil sa aking mga kapabayaan ay nagdulot ito sa aking katamaran, kalungkutan at kawalan ng gana sa lahat ng bagay. Ginawa ko ang lahat para bumalik ang dati kong sigla. Sinubukan kong magsipag sa pag-aaral, ngunit kabaliktaran ng magandang grado ang aking mga nakuha. Sinubukan kong mapalapit uli sa aking mga kaibigan, ngunit lalo lamang akong napalayo sa kanila nang hindi ko nalalaman. Sinubukan kong pasiyahin ang aking mga magulang at mga kapatid sa pagtamo ng mga award at medalya, ngunit kulang pa rin it sapagkat hindi pa rin sila natuwa para sa akin.
Doon na ako nagsimulang magtaka, kung bakit ganoon na lamang ang nangyayari sa buhay ko. Oo nga, nariyan ang aking pamilya, kaibigan, magandang estado sa eskuwelahan, maayos na pangangatawan, kayamanan ngunit, sa kabila ng lahat ng ito ay hindi pa rin ako masaya? Ang lahat ay ginawa ko para makamtan ang dati kong kasiglahan at kagalakan ngunit hindi ko siya maibalik sa aking buhay, tila ba may kulang.
Pasasalamat lamang ang mayroon ako sa Panginoon sapagkat sa mga panahong nagtataka ako at nagtatanong, nagpadala siya ng mga tao upang ituro sa akin ang tamang landas kung saan ako liligaya. Ang aking mga kapatiran sa simbahan ay hindi nawalang ng pag-asa para sa akin dahil patuloy nila ako kinulit; sa kabila ng aking pagtatanggi ay nagawa pa rin nila akong pagsimbahin para makinig sa mga salita ng Diyos. Sinasabi nila sa akin na lagi nila akong pinagdarasal sa Panginoon, dahil alam nilang sa mga panahon na iyon ay sobra akong busy at hindi ko na nagagawang asikasuhin pa ang aking pakikipag-usap sa Diyos. Patuloy pa rin nila akong pinangaralan na ang lahat ng bagay sa aking buhay ay mawawalan rin ng saysay kung hindi ko ito iaalay sa Panginoon. Ang ipinangsasagot ko nalang sa kanila ay saka na ako magdarasal kapag naayos ko na ang mga bagay na ito sa aking buhay, saka ako lalapit sa Panginoon kapag masaya na ako, malinis at wala nang problema.
Ngunit doon pala ako nagkamali, sapagkat ang sinabi ng Panginoon ay kahit kailan ay puwede tayong humarap sa Kanya upang humingi ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Handa siyang patawarin tayo sa kabila ng ating pagiging suwail na anak. At natutunan ko ang bagay na ito noong ako ay bumagsak na sa isang pagsusulit sa eskuwela. Ang pawang katotohanan ay nag-aral talaga akong mabuti para sa pagsusulit na iyon, ngunit dahil nga wala akong tamang patnubay mula sa Panginoon, bumagsak pa rin ako. Sobrang sakit ng loob ko noon, sapagkat alam kong hindi matutuwa ang aking magulang dahil rito, at mababa na ang tingin ko sa aking sarili, napakalungkot at hindi talaga maayos ang pakiramdam ko noon. Ngunit, sa kabila ng aking pagkadismaya sa sarili ay ginamit ng Panginoon ang pagkakataong ito para iparamdam sa akin na hindi ako lagapak, o bagsak na tao, kundi ay isa akong minamahal na anak Niya at tuwang tuwa siya sa akin. Sa kabila ng tila pagbagsak ng mundo ko, nakahanap ako ng katiwasayan at kaligayahan sa Kanya lamang. Ipinaramdam Niya ang kanyang presensiya sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa akin at pagtahan sa aking mga iyak at hibik. Doon nakaranas ako ng tunay na katahimikan at kasiyahan, na ang aking buhay ay kumpleto, buong-buo at punung-puno ng saysay.
Mula noon ay nagsisi na ako sa aking mga nagawang kasalanan sa Kanya, mula sa hindi ko pagtugon sa aking mga tungkulin hanggang sa sinuway ko na talaga ang Kanyang mga utos. Napakabait Niya pa rin dahil sa kabila ng lahat ng ito ay napatawad Niya ako. Inalis Niya ang lahat ng aking pagdududa sa aking sarili at ang mga masasama kong ugali. Ngayon ay masasabi kong masaya ako sa buhay ko, dahil ang Panginoon ay nasa buhay ko, nasa pang-araw-araw na gawain ko, nasa lahat ng aking mga desisyon at lahat ng aking inaalay ay para sa Kanya. Kumpleto at buong-buo ang buhay ko, sapagkat ako’y nasa gilid ng paanan ng Diyos. At wala na akong lugar kung saan hihilingin kong pumunta, kundi roon sa piling Niya. =)

Mas Maganda ang Mundo dahil sa Musika

Makasali nga sa chorale. Hahaha! Ito ang unang pumasok sa aking utak nang mapanood at marinig ko ang mga tinig ng UP Manila Chorale noong Disyembre 13 ng nakaraang taon. Tila ba napaaga ang aking Pasko dahil nagpamalas sila ng mga awiting nauukol sa Kapaskuhan, lahat ng ito ay komposisyon ng mahusay at kilalang kompositor na si G.F. Handel. Isa sa kanyang sikat na kanta ay ang Joy to the World, na alam nating lahat kahit noong mga bata pa lang tayo. Mula sa aming ibang klase ay nadiskubre naming si G.F. Handel ay isa sa mga kompositor noong panahon ng baroque, hindi barok kundi baroque. Ito ay ang panahon kung kelan engrande ang lahat ng mga bagay, magmula arkitektura, sining, maging musika. Kung kaya’t napakasarap talagang pakinggan ang pagtatanghal ng UP Manila Chorale ng mga awitin niya.

Pagpasok pa lamang sa Fil-Am Theatre ay nagkaroon na ako ng magandang pakiramdam na magiging kaaliw-aliw ang palabas, kahit na ito ay tila isang konsiyerto lamang. Nang ipakilala na ang buong UPM Chorale ay nabighani ako sa mga suot nilang dilaw na saya’t barong.

Tumahimik ang lahat nang pinatugtog na ang piyano at nagsikantahan na sila. Napakagaling ng kanilang paghahalo ng boses, o yung tinatawag nilang blending, dahil kontrolado at tamang-tama lang ang timpla ng mga boses ng soprano, altor, tenor at bass. Wala akong narinig na sumablay sa ni isa man sa kanila. Masasabing nag-ensayo talaga ang grupo para sa pagtatanghal na ito.

Nakakaelibs (nakakabilib) ang mga umawit ng solo, mapababae man o lalaki. Buong-buo ang kanilang mga boses at rinig na rinig saanmang sulok ng awditoryum. Hindi lamang iyon, kundi nagagawa nilang pahabain o paiiksiin ang ilan sa mga musikal na nota sa kanilang bahagi sa awitin. Kapag sumabay na sa pag-awit ang lahat ng kumakanta ay hindi sila nasasapawan ng mga ito at hindi rin nila sinasapawan ang kabuuang boses ng mga hindi nagsosolo. Ngunit ang pinakapaborito kong awitin sa buong pagtatanghal ay iyong In Excelsis Deo na kinanta nilang lahat nang napakahusay at nakakatindig-balahibo.

May ilan lamang akong napansin sa chorale, isa rito ay ang tila mga statwa silang di gumagalaw mula sa kanilang kinatatayuan. Kumbaga ay hindi man lamang nila nagawang sumayaw o umindak habang sila ay kumakanta. Noong bandang huli na lamang sila umalis sa kanilang puwesto sa entablado at masiglang umawit habang sumasayaw. May mga bahagi rin na tila nakakabagot sa pagtatanghal dahil nakakaantok ang ilan sa mga mababagal na kanta ng chorale.

Sa kabila ng aking mga napansin ay naaliw pa rin ako sa kabuuan ng konsiyerto ng UPM Chorale, malamang ito ay dahil isa rin akong batang napakahilig sa musika na mahilig kumanta at makinig sa mga kumakanta. Hindi man ako isang propesyunal o magaling na mang-aawit ay masasabi kong maayos ang kanilang pagtatanghal, at konting eksposyur lamang ay maaari rin silang makilala sa larangan ng pag-awit bilang isang chorale… =)

Kuwentong Ngipin

Huwag kayong mag-alala, hindi ako magsasalita rito tungkol sa mga nilalaman ng ngipin o kung anu-ano pang siyentipikong bagay tungkol rito. Sa katunayan nga ay ang kabaligtaran nito ang aking gagawin, aking isasalaysay ang ilan sa mga pamahiin na may kinalaman sa ngipin.

Isa na rito ay ang alamat ng tooth fairy, marami na siguro sa atin ang nakakaalam sa alamat na ito. Ang diwatang ito raw ay ang kumukuha ng ngipin ng mga batang nabubungi, at kapag ikaw ay isang bata ay alam na alam mo na kung papaano kukunin sayo ng tooth fairy ang iyong natanggal na ipin. Pagkabunot raw dito ay kailangan mo itong ilagay sa ilalim ng iyong unan sa iyong pagtulog sa gabi upang sa paggising mo sa umaga ay nakuha na raw ng diwata ang ngipin mo. Kapalit ng ngiping kinuha ng tooth fairy ay tutuparin niya ang iyong hiling habang itinatago mo ang ngipin mo sa ilalim ng iyong unan. Isa ka ba sa mga batang gumagawa nito?

Mayroon din namang ilang mga pamahiin o sabi-sabi ng mga matatanda, ngunit dalawa lamang ang aking naaalala mula pagkabata. Isa rito ay ang pagtago sa ngipin na unang matatanggal o mawawala habang ika’y bata pa. Pinaniniwalaang ang paggawa nito ay makakapagpaganda sa susunod o sa permanento mo nang set ng ngipin sa kinabukasan. Ang isa pang paniniwala ay kapag nanaginip ka na natanggalan ka ng ipin, isa sa miyembro ng iyong pamilya ay mamamatay.

Hindi tayo dapat mabahala, sapagkat wala pa namang siyentipikong proweba ang mga pamahiin at paniniwalaang ito. Kung kaya’t walang tiyak na epekto sa mga nasabing pamahiing ito ay nagkatotoo. Ngunit paano nga ba masasabing maganda talaga ang mga ngipin ng isang tao? Ano ba ang basehan nito, mayroon din ba itong kaibahan depende sa kultura, lugar, o paniniwala ng iba’t ibang grupo ng tao?

Ang mga tao ngayon ay nahuhumaling ngayon sa iba’t ibang klase ng pampaganda ng ngipin tulad ng bleaching o pagpapaputi, paglagay ng braces o retainer upang pumantay ang ngipin, ang pagpapasta at kung anu-ano pa. Ang mga matatanda nga ngayon na nawawalan na ng ngipin ay nagpapalagay na lamang ng pustiso, o pekeng ngipin para lang masabing kumpleto parin ang kanilang ngipin.

Iba’t ibang klase rin ng gamit ang lumabas layon ang paglilinis ng ngipin, Nariyan ang toothpaste, toothbrush, dental floss, mouthwash, (toothpick), bleaching products, at marami pang iba, upang magkaroon ng malinis, matibay at maaliwalas tignan na ngipin. Tama nga naman na dapat inaalagaan ang ngipin. Ako man hindi rin tumututol sa paggamit sa alinman sa mga produktong iyan. Ngunit kulang rin ito, kailangan din nating umiwas sa mga pagkaing hindi rin makakatulong sa pagganda sa ngipin, nariyan ang mga nauusong junk foods, softdrinks, kendi at mga tsokolate na talaga nga namang nakakasira, nakakaitim at nakakabulok ng ngipin.

Kung gaano karami ang mga pamahiin tungkol sa ngipin ay gayon din ang bilang ng mga nagsisilabasang komersyal tungkol sa pag-aalaga sa ngipin. Ngunit hindi mo mapapatunayan na tama ang lahat ng mga ito, dahil kahit sabihin mong ito ay mayroon nang siyentipikong basehan, maaari namang hindi ito ang hiyang para sa atin bilang isang indibidwal. Magkakaiba tayo ng ngipin, kung kaya’t hindi mo masasabing ang isang produkto ay magiging epektibo para sa lahat, o para sa iba lamang. Kailangan ikaw mismo ang humusga sa produktong magiging epektibo para sa pagpapaganda ng iyong ngipin. Huwag kang magpapaniwala sa mga sinasabi sa komersyal, katulad ng iyon hindi pagbahala sa mga pamahiin at sabi-sabi ng mga matatanda tungkol sa ngipin.

Ang Panibagong Simula

Woohoot! Nagdaan na naman ang isang napakamaligaya at napakaingay na unang araw ng taong 2009. Ito ang Bagong Taon! Haay. Nakakapagod ngunit sulit ang lahat ng pagdiriwang ko sa araw na ito. Kung nakaraan ay naikuwento ko sa inyo ang aking mga saloobin noong Pasko, ngayon naman ay ikukuwento ko sa inyo ang aking mga naging karanasan sa Bagong Taon.

Ang totoo niyan ay bago pa magdiriwang ang mga tao ng Bagong Taon ay halo-halong pakiramdam na ang aking nararanasan. Naroon ang tuwa dahil panibagong taon na naman, lungkot dahil matatapos na nga ang napakamakulay na taong 2008, takot dahil alam kong marami na namang pagsubok ang aking haharapin sa bagong taon, pananabik dahil marami akong gustong maranasan ngayong taong ito, at kung anu-ano pa.

Isa sa mga pinagbabawal sa Bahrain ay ang paputok at dahil Muslim ang karaniwang mamamayan dito ay hindi nila ipinagdiriwang ang Bagong Taon tuwing Enero 1, 2009 ay hindi rin kami puwedeng mag-ingay sa labas o sa daan. Kung kaya’t ipinagdiwang ng aming buong pamilya ang Bagong Taon sa loob ng simbahan namin. Dumating kami roon ng bandang alas-nuwebe ng gabi. Pagpasok namin sa loob ng simbahan ay kakaiba na ang nakamtan naming simoy ng hangin, ang kukulay ng mga dekorasyon, ang lahat ay nakangiti o nakatawa, may mga torotot at tambol na hawak ang aking mga kaibigan at marami nang pagkain ang nakahanda sa mesa. Biglang bumugso ang aking puso, kakaibang pakiramdam ang dala sa akin ng kaaya-ayang lugar na ito, mukhang kapananabikan ko nga ang Bagong Taon.

Una ay nagkantahan ang lahat ng mga tao, nagpapasalamat at nagpupuri sa Panginoon sa kanyang mga biyayang ibinigay sa nakaraang taon, at sa biyayang kanyang patuloy na ibibigay sa mga taon pang darating. Pagkatapos ay nagpamalas ng munting presentasyon ang mga bata sa simbahan, pati na rin ang mga matatanda. Nagkaroon pa nga ng sari-saring laro ang lahat bago ang pagdiriwang. Ipinakita rin ang isang slideshow na naglalaman ng iba’t ibang mga larawan ng mga miyembro ng simbahan at mga kaganapan sa taong 2008. Pagkatapos noon ay nagkainan na, inihain ang mga plato at kubyertas sa mesa at nagkaroon ng fellowship habang media noche. Kaysarap at kay linamnam ng pagkain. J Nang mabusog ay nagkantahan ulit hanggang sa sumapit na ang bagong Taon. Ilang segundo palang bago mag-alas dose ay nagkaroon ng countdown. 10.. 9.. 8.. Habang nagccountdown ay kung anong ligaya ang aking naramdaman, kakaibang pananabik at tuwa.. 7.. 6.. 5.. Tila bang gusto kong sumigaw, sumayaw, humiyaw at magwala sa saya.. 4.. 3.. 2.. 1.. Bagong Taon na! Napuno ang simbahan ng lahat ng klase ng ingay! Hiyawan ang mga tao. Hinipan ng mga bata ang torotot. Tinugtog nang napakalakas ang tambol at kinalabit ang mga gitara, pinaputukan ang mga lobong nakakalat sa mesa, at ang lahat at tinugtog nang napakalakas ang tambol at kinalabit ang mga gitara, pinaputukan ang mga lobong nakakalat sa sahig, at ang lahat ay nagyakapan at nagbatian ng Maligayang Bagong Taon!!!!!!!!! Haay. Niyakap at hinalikan ko ang aking mga magulang at kapatid, bineso ang mga tita, ninang, at mga kaibigan.

Matapos ang lahat ng pagdiriwang ay umuwi na kami sa aming mga bahay at nagsibukas ng mga regalo naming magkakapatid. Sari-saring mga damit at kagamitan ang natanggap ko sa panahon ng Pasko at Bagong Taon. Matapos isukat ang mga regalo, nagsama-sama kaming pamilya at nagdasal sa Panginoon. Bawat kami ay nag-alay ng pasasalamat sa Kanya para sa mga biyayang patuloy niyang ibinibigay sa amin, at sa mga ibibigay rin Niya sa darating pang taon. Napakasarap talaga ng pakiramdam na kapiling mo sila sa araw ng Bagong Taon. Masasabi kong masaya at magiging maganda ang Bagong Taon kong ito. :D

Paskooooooooooo!


Haay.. Pasko na naman. Ito ang isa sa mga tanging pinakaaabangang selebrasyon ng taon. Parang kailan lang ay Enero pa at inip na inip na akong magPasko ulit. Ngayon na’y lumipas na ang labindalawang buwan at kinabukasan ay Pasko na.

Lumaki ako sa paniniwalang ang Pasko ay para sa mga bata, sapagkat madalas ay sila ang nireregaluhan ng mga ninong at ninang, at sila rin ang unang-unang pagsisilbihan ng Noche Buena kapag nasa hapag-kainan. Marami nang beses ay inabuso ko ang aking pagiging bata sa Pasko upang makamtan ko ang aking mga paboritong laruan, bagong damit, sari-saring usong kagamitan, kahit mumunting pera o barya. Ngunit sa aking pagtanda ay napapaisip na tuloy ako, hindi rin ba pwede ang Pasko sa aming mga dalaga? Binata? Mag-asawa? Mga magulang o lola’t lolo ko?

Nakagisnan na ng aming pamilya ang piling ng bawat isa sa amin tuwing Pasko. Maging Pasko o Bagong Taon yan ay nais naming kami’y laging magkakasama. Kaya naman kahit na ako’y sa Pilipinas nag-aaral at napakaiksi ng aming bakasyon ay pinilit pa rin ng aking mga magulang na lumipad ako pabalik sa Bahrain upang doon magdiwang ng Pasko kasama ang buong pamilya. Masasabi kong dito pa lamang ay nasasagot ko na ang katanungan ko, na ang Pasko ay hindi lamang para sa mga bata, kundi para sa buong pamilya. Magmula sa pinakamatanda hanggang sa pinakasanggol ay maaaring magdiwang ng Pasko.

Habang pinagmamasdan ko ngayon ang aking mga tito at tita na nagbibigay ng mga regalo sa knilang mga inaanak, ako’y napangiti sapagkat alam kong ang mga magulang ng kanilang mga inaanak ay bibigyan rin ng regalo ang anak ng kanilang mga ninong at ninang. Hindi ba nakakatuwa na nagkakaroon lamang ng palitan ng regalo tuwing Pasko? Hindi ang makakuha ng regalo ang pinakamahalaga, kundi ang pagbigay ng regalo at ang paraan ng iyong pagbibigay. Ang pagbibigayan siguro ay isa sa masasabi kong napakahalagang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay mayroon pa ring Pasko.

Sa mesa naman ay napakaraming pagkain ang nakahain. Tila ba’y isang batalyon ang pakakainin! Ngunit pagdatin ng tsibugan, simot ang lahat ng ito. Para bang inalon lamang ng tubig ang buong mesa. Tama! Mahalaga rin ang pagsasalu-salo tuwing Pasko. Maraming pamilya ang naghahain ng kani-kanilang handa sa mesa at marami ring pamilya ang kakain ng mga ito. Isa itong simbolo na ang pagsasalu-salo sa pagkain ay paraan ng pagsasama-sama ng ating mga mahal sa buhay o mga taong malalapit sa ating puso tuwing Pasko.
Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ng selebrasyong ito ay ang pinagmulan ng mismong araw nito. Alam nating lahat na ang araw ng Pasko ay ang araw kung kailang ipinanaganak ang ating HesuKristo. Hindi natin ito pwedeng basta-basta balewalalain, sapagkat kung hindi dahil sa Kanya ay walang paraan upang tayo ay maililigtas mula sa ating mga kasalanan. Kung hindi dahil sa Kanya ay wala tayong pagdiriwang ngayon.

Ang Panginoon na siyang nagbigay ng Kanyang Bugtong na Anak upang mamatay para sa ating mga kasalanan ang masasabi kong pinakamahirap at pinakadakilang nagawa ng isang ama para sa kanyang mga anak. Bakit? Dahil nais ng Diyos na makapiling rin natin siya sa langit sa ating pagkamatay gaya ng ating pagsasama-sama ng mga mahal sa buhay dito sa mundo tuwing Pasko.
Kaya naman ganoon na lamang ang nararamdaman nating tuwa, saya at panananabik sa tuwing sasapit na ang Pasko. Ngayon ay naniniwala na akong hindi lamang para sa mga bata ang araw na ito kundi para sa lahat ng tao, para sa lahat ng anak ng Diyos. At ang pagbibigayan ng regalo o munting handa ay hindi dapat ipagdamot o ikabahala kundi dapat ay ikatuwa dahil nabigyan tayo ng pagkakataong ipakita sa mga taong malalapit sa ating puso kung gaano natin sila pinahahalagahan sa ating buhay. Kaya’t sa pagpatak ng alas-dose ngayong gabi, huwag nating kalilimutang magpasalamat sa Diyos para sa araw na ito at huwag tayong mahihiyang ipakita ang ating pagmamahal sa kapwa.

Pinagmulan ng Wika

“Inay, pahingi po ng tubig.”“I love you.”“Gracias!”Ang karamihan sa mga salitang ito ay ating naiintindihan, ang iba ay alam nating maiintindihan ng ibang tao, sapagkat ang mga ito ay may kanya-kanyang pinaggamitang wika. Ang wika na siyang ating tatalakayin ngayon, ay hindi ang Ingles, Filipino, Espanyol o kung ano man, kundi ating pag-uusapan ang pinagmulan ng iba’t ibang wika. Saan nga ba ito napulot, at paano ba ito nagsimula?Ayon sa aking mga nakalap na impormasyon mula sa napakamatulungin nating Internet ay maraming mga teoryang nababalot ukol sa paksang ito. Isa lamang sa kanila ang aking ilalahad muna sa inyo. Saka kayo magsaliksik nang pansarili kung nanaisin niyo pang mas lalong lumalim ang inyong kaalaman tungkol sa wika. Akin lamang kayong pinaaalalahanan na hindi ko nais ipilit sa inyo ang konseptong ito. Nasa sainyo na kung inyong paniniwalaan o sasang-ayunan ang aking mga sasabihin. Ang sa akin lamang ay mayroon akong sariling “freedom of speech”, ika nga sa Ingles, kung saan malaya akong sabihin ang aking mga kuru-kuro at ideyang tumatakbo sa aking munting isipan. JAng pumukaw sa aking mga mata ay ang konsepto ng “quantavolution”. Ayon kay Alfred de Grazia, ito ay hindi isang pisyolohikal na bagay, hindi yung tipong nahahawakan o nararamdaman dulot ng isang stimulus. Ngunit ang quantavolution na ito ay nagdulot ng ating self-awareness, o ang pagkilala natin sa ating mga sarili. Katulad ng wika, ang self-awareness na ito ay hindi nagagawa lamang ng iisang tao. Kailangan niya ng kasama, upang ang isa’y nakikilala ang kanyang sarili, at ang kasama niya naman ay nakikilala nang una.Ano ang naidulot ng quantavolution sa tao? Dahil dito, naging alerto ang tao sa kanyang paligid. Siya ay naging nerbyoso, nagkaroon ng pagkainis sa sarili, naging metikuloso, kinnontrol ang sarili, at kung anu-ano pa, habang ang kanyang iniisip ay ang pagkakaroon ng katinuan at ang di pagkawala nito. Dalawang bagay ang naging mahalaga sa tao: ang materyal na makakabuhay sa kanyang sarili, at ang propaganda, na umuukol hindi lamang sa kanya kundi pati narin sa kapwa niyang tao.Dito natin unang masusulyapan ang nangyaring pagbabago sa tao, ang kanyang abilidad na maghanda ng propaganda, ito ang nagsilbing daan tungo sa wika natin ngayon. Ang tao ay nag-imbento at gumawa ng sarili niyang sistema ng simbolo at mga salita para sa mga bagay-bagay, maaaring nasa isip lamang o nasasabi nang malakas.Ngunit hindi lamang iisang tao ang nasunod sa paggawa ng wika. Hindi naman kasi pare-parehong mag-isip ang lahat ng tao. Nagkaroon din ng iba’t ibang problema sa unang sistema. Iba-iba kasi ang pagsasalita at iba-iba rin ang naiisip ng mga tao. Dahil dito, ang ibang mga kasama ng tao ay humiwalay sa nauna at nagtaguyod ng sarili nilang paraan ng wika. Nagpatuloy ito nang nagpatuloy hanggang sa ang bawat isa’y may natututunan nang wika, maiba o mapareho man ito sa nakararami. Dito nagmula ang pagkakaroon natin ng kanya-kanyang wika. :)