Paano ko ba sisimulan ang aking sanaysay? Sa totoo lang ay kanina pa ako nahihirapan, dahil nais ko sanang bigyan kayo ng magandang panimula para sa inyong pagbabasa. Ngunit wala akong maisip na maganda. Sisimulan ko nalang it sa isang tanong: Masaya ka ba sa buhay mo ngayon?
Siguro, may mga bagay na nakakapagpasaya sa atin tulad ng pamilya, ang mahal sa buhay, o materyal na bagay tulad ng kayamanan, maayos na kalusugan, mga natamong tagumpay, o kahit mumunting bagay lamang tulad ng pagkain, bagong gadyet o laruan, o magandang pangangatawano katalinuhan. Ngunit sapat nga ba ang lahat ng ito, para masabing namuhay ka nga nang masaya, makasaysayan at matiwasay dito sa mundong ibabaw?
Ang sagot ko riyan ay hindi. Ayon sa aking mga karanasan at paniniwala, isa ito sa mga pinakamahahalagang leksyong aking natutunan sa buhay, at hinding-hindi ko ito makakalimutan. Bakit? Sasagutin ko ang tanong na iyan sa pamamagitan ng sarili kong karanasan.
Isa akong Kristiyano, isang anak ng Diyos na sumasamba at namumuhay para lamang sa Kanya. Ngunit mayroong mga pagkakataon na matigas talaga ang aking ulo at hindi ko nagagampanan ang nasabing pagka-Kristiyano. May mga oras na, ninanais kong mamuhay para sa aking sarili, at an sarili ko ang aking pupurihin. Noong mga panahong iyon ay hindi ko pa napapagtanto ang ginagawa ko ngunit akala ko ay masayang masaya na ako sa aking buhay na hindi ko na kailangan ang isang tulad ng Panginoon. Oo, napasa-akin kasi ang lahat- ang pamilya, maayos na kalusugan, kayamanan, maraming kaibigan, katalinuhan, tagumpay, at marami pang iba.
Pinabayaan ko ang aking mga tungkulin sa Panginoon, hindi ako nagdarasal sa Kanya, hindi ako nagbasa ng Bibliya at hindi rin ako nagsisimba. Ang mga naiisip ko sa mga panahong iyon ay, “Bakit pa ako hihingi ng tulong sa Kanya kung maayos naman ang buhay ko? Wala rin naman akong kakailanganin sa Kanya kaya bakit pa ako mag-aabala?” Inaksaya ko ang aking panahon sa mga walang kuwentang bagay tulad ng pakikipagbarkada, panonood ng telebisyon na nakakakurap ng utak, pagpapakasaya at puro pagdiriwang.
Ngunit nang tumagal ay nagsawa rin ako sa ganitong buhay. Unti-unting napagod, nanamlay, nawalan ng ganang lumabas, gumawa ng ano mang trabaho, mag-aral at magsaya. Unti-unti rin akong nalungkot nang hindi ko nalalaman ang dahilan. Dahil sa aking mga kapabayaan ay nagdulot ito sa aking katamaran, kalungkutan at kawalan ng gana sa lahat ng bagay. Ginawa ko ang lahat para bumalik ang dati kong sigla. Sinubukan kong magsipag sa pag-aaral, ngunit kabaliktaran ng magandang grado ang aking mga nakuha. Sinubukan kong mapalapit uli sa aking mga kaibigan, ngunit lalo lamang akong napalayo sa kanila nang hindi ko nalalaman. Sinubukan kong pasiyahin ang aking mga magulang at mga kapatid sa pagtamo ng mga award at medalya, ngunit kulang pa rin it sapagkat hindi pa rin sila natuwa para sa akin.
Doon na ako nagsimulang magtaka, kung bakit ganoon na lamang ang nangyayari sa buhay ko. Oo nga, nariyan ang aking pamilya, kaibigan, magandang estado sa eskuwelahan, maayos na pangangatawan, kayamanan ngunit, sa kabila ng lahat ng ito ay hindi pa rin ako masaya? Ang lahat ay ginawa ko para makamtan ang dati kong kasiglahan at kagalakan ngunit hindi ko siya maibalik sa aking buhay, tila ba may kulang.
Pasasalamat lamang ang mayroon ako sa Panginoon sapagkat sa mga panahong nagtataka ako at nagtatanong, nagpadala siya ng mga tao upang ituro sa akin ang tamang landas kung saan ako liligaya. Ang aking mga kapatiran sa simbahan ay hindi nawalang ng pag-asa para sa akin dahil patuloy nila ako kinulit; sa kabila ng aking pagtatanggi ay nagawa pa rin nila akong pagsimbahin para makinig sa mga salita ng Diyos. Sinasabi nila sa akin na lagi nila akong pinagdarasal sa Panginoon, dahil alam nilang sa mga panahon na iyon ay sobra akong busy at hindi ko na nagagawang asikasuhin pa ang aking pakikipag-usap sa Diyos. Patuloy pa rin nila akong pinangaralan na ang lahat ng bagay sa aking buhay ay mawawalan rin ng saysay kung hindi ko ito iaalay sa Panginoon. Ang ipinangsasagot ko nalang sa kanila ay saka na ako magdarasal kapag naayos ko na ang mga bagay na ito sa aking buhay, saka ako lalapit sa Panginoon kapag masaya na ako, malinis at wala nang problema.
Ngunit doon pala ako nagkamali, sapagkat ang sinabi ng Panginoon ay kahit kailan ay puwede tayong humarap sa Kanya upang humingi ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Handa siyang patawarin tayo sa kabila ng ating pagiging suwail na anak. At natutunan ko ang bagay na ito noong ako ay bumagsak na sa isang pagsusulit sa eskuwela. Ang pawang katotohanan ay nag-aral talaga akong mabuti para sa pagsusulit na iyon, ngunit dahil nga wala akong tamang patnubay mula sa Panginoon, bumagsak pa rin ako. Sobrang sakit ng loob ko noon, sapagkat alam kong hindi matutuwa ang aking magulang dahil rito, at mababa na ang tingin ko sa aking sarili, napakalungkot at hindi talaga maayos ang pakiramdam ko noon. Ngunit, sa kabila ng aking pagkadismaya sa sarili ay ginamit ng Panginoon ang pagkakataong ito para iparamdam sa akin na hindi ako lagapak, o bagsak na tao, kundi ay isa akong minamahal na anak Niya at tuwang tuwa siya sa akin. Sa kabila ng tila pagbagsak ng mundo ko, nakahanap ako ng katiwasayan at kaligayahan sa Kanya lamang. Ipinaramdam Niya ang kanyang presensiya sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa akin at pagtahan sa aking mga iyak at hibik. Doon nakaranas ako ng tunay na katahimikan at kasiyahan, na ang aking buhay ay kumpleto, buong-buo at punung-puno ng saysay.
Mula noon ay nagsisi na ako sa aking mga nagawang kasalanan sa Kanya, mula sa hindi ko pagtugon sa aking mga tungkulin hanggang sa sinuway ko na talaga ang Kanyang mga utos. Napakabait Niya pa rin dahil sa kabila ng lahat ng ito ay napatawad Niya ako. Inalis Niya ang lahat ng aking pagdududa sa aking sarili at ang mga masasama kong ugali. Ngayon ay masasabi kong masaya ako sa buhay ko, dahil ang Panginoon ay nasa buhay ko, nasa pang-araw-araw na gawain ko, nasa lahat ng aking mga desisyon at lahat ng aking inaalay ay para sa Kanya. Kumpleto at buong-buo ang buhay ko, sapagkat ako’y nasa gilid ng paanan ng Diyos. At wala na akong lugar kung saan hihilingin kong pumunta, kundi roon sa piling Niya. =)
No comments:
Post a Comment