Wednesday, March 18, 2009

Paskooooooooooo!


Haay.. Pasko na naman. Ito ang isa sa mga tanging pinakaaabangang selebrasyon ng taon. Parang kailan lang ay Enero pa at inip na inip na akong magPasko ulit. Ngayon na’y lumipas na ang labindalawang buwan at kinabukasan ay Pasko na.

Lumaki ako sa paniniwalang ang Pasko ay para sa mga bata, sapagkat madalas ay sila ang nireregaluhan ng mga ninong at ninang, at sila rin ang unang-unang pagsisilbihan ng Noche Buena kapag nasa hapag-kainan. Marami nang beses ay inabuso ko ang aking pagiging bata sa Pasko upang makamtan ko ang aking mga paboritong laruan, bagong damit, sari-saring usong kagamitan, kahit mumunting pera o barya. Ngunit sa aking pagtanda ay napapaisip na tuloy ako, hindi rin ba pwede ang Pasko sa aming mga dalaga? Binata? Mag-asawa? Mga magulang o lola’t lolo ko?

Nakagisnan na ng aming pamilya ang piling ng bawat isa sa amin tuwing Pasko. Maging Pasko o Bagong Taon yan ay nais naming kami’y laging magkakasama. Kaya naman kahit na ako’y sa Pilipinas nag-aaral at napakaiksi ng aming bakasyon ay pinilit pa rin ng aking mga magulang na lumipad ako pabalik sa Bahrain upang doon magdiwang ng Pasko kasama ang buong pamilya. Masasabi kong dito pa lamang ay nasasagot ko na ang katanungan ko, na ang Pasko ay hindi lamang para sa mga bata, kundi para sa buong pamilya. Magmula sa pinakamatanda hanggang sa pinakasanggol ay maaaring magdiwang ng Pasko.

Habang pinagmamasdan ko ngayon ang aking mga tito at tita na nagbibigay ng mga regalo sa knilang mga inaanak, ako’y napangiti sapagkat alam kong ang mga magulang ng kanilang mga inaanak ay bibigyan rin ng regalo ang anak ng kanilang mga ninong at ninang. Hindi ba nakakatuwa na nagkakaroon lamang ng palitan ng regalo tuwing Pasko? Hindi ang makakuha ng regalo ang pinakamahalaga, kundi ang pagbigay ng regalo at ang paraan ng iyong pagbibigay. Ang pagbibigayan siguro ay isa sa masasabi kong napakahalagang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay mayroon pa ring Pasko.

Sa mesa naman ay napakaraming pagkain ang nakahain. Tila ba’y isang batalyon ang pakakainin! Ngunit pagdatin ng tsibugan, simot ang lahat ng ito. Para bang inalon lamang ng tubig ang buong mesa. Tama! Mahalaga rin ang pagsasalu-salo tuwing Pasko. Maraming pamilya ang naghahain ng kani-kanilang handa sa mesa at marami ring pamilya ang kakain ng mga ito. Isa itong simbolo na ang pagsasalu-salo sa pagkain ay paraan ng pagsasama-sama ng ating mga mahal sa buhay o mga taong malalapit sa ating puso tuwing Pasko.
Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ng selebrasyong ito ay ang pinagmulan ng mismong araw nito. Alam nating lahat na ang araw ng Pasko ay ang araw kung kailang ipinanaganak ang ating HesuKristo. Hindi natin ito pwedeng basta-basta balewalalain, sapagkat kung hindi dahil sa Kanya ay walang paraan upang tayo ay maililigtas mula sa ating mga kasalanan. Kung hindi dahil sa Kanya ay wala tayong pagdiriwang ngayon.

Ang Panginoon na siyang nagbigay ng Kanyang Bugtong na Anak upang mamatay para sa ating mga kasalanan ang masasabi kong pinakamahirap at pinakadakilang nagawa ng isang ama para sa kanyang mga anak. Bakit? Dahil nais ng Diyos na makapiling rin natin siya sa langit sa ating pagkamatay gaya ng ating pagsasama-sama ng mga mahal sa buhay dito sa mundo tuwing Pasko.
Kaya naman ganoon na lamang ang nararamdaman nating tuwa, saya at panananabik sa tuwing sasapit na ang Pasko. Ngayon ay naniniwala na akong hindi lamang para sa mga bata ang araw na ito kundi para sa lahat ng tao, para sa lahat ng anak ng Diyos. At ang pagbibigayan ng regalo o munting handa ay hindi dapat ipagdamot o ikabahala kundi dapat ay ikatuwa dahil nabigyan tayo ng pagkakataong ipakita sa mga taong malalapit sa ating puso kung gaano natin sila pinahahalagahan sa ating buhay. Kaya’t sa pagpatak ng alas-dose ngayong gabi, huwag nating kalilimutang magpasalamat sa Diyos para sa araw na ito at huwag tayong mahihiyang ipakita ang ating pagmamahal sa kapwa.

No comments:

Post a Comment