Wednesday, March 18, 2009

Kuwentong Ngipin

Huwag kayong mag-alala, hindi ako magsasalita rito tungkol sa mga nilalaman ng ngipin o kung anu-ano pang siyentipikong bagay tungkol rito. Sa katunayan nga ay ang kabaligtaran nito ang aking gagawin, aking isasalaysay ang ilan sa mga pamahiin na may kinalaman sa ngipin.

Isa na rito ay ang alamat ng tooth fairy, marami na siguro sa atin ang nakakaalam sa alamat na ito. Ang diwatang ito raw ay ang kumukuha ng ngipin ng mga batang nabubungi, at kapag ikaw ay isang bata ay alam na alam mo na kung papaano kukunin sayo ng tooth fairy ang iyong natanggal na ipin. Pagkabunot raw dito ay kailangan mo itong ilagay sa ilalim ng iyong unan sa iyong pagtulog sa gabi upang sa paggising mo sa umaga ay nakuha na raw ng diwata ang ngipin mo. Kapalit ng ngiping kinuha ng tooth fairy ay tutuparin niya ang iyong hiling habang itinatago mo ang ngipin mo sa ilalim ng iyong unan. Isa ka ba sa mga batang gumagawa nito?

Mayroon din namang ilang mga pamahiin o sabi-sabi ng mga matatanda, ngunit dalawa lamang ang aking naaalala mula pagkabata. Isa rito ay ang pagtago sa ngipin na unang matatanggal o mawawala habang ika’y bata pa. Pinaniniwalaang ang paggawa nito ay makakapagpaganda sa susunod o sa permanento mo nang set ng ngipin sa kinabukasan. Ang isa pang paniniwala ay kapag nanaginip ka na natanggalan ka ng ipin, isa sa miyembro ng iyong pamilya ay mamamatay.

Hindi tayo dapat mabahala, sapagkat wala pa namang siyentipikong proweba ang mga pamahiin at paniniwalaang ito. Kung kaya’t walang tiyak na epekto sa mga nasabing pamahiing ito ay nagkatotoo. Ngunit paano nga ba masasabing maganda talaga ang mga ngipin ng isang tao? Ano ba ang basehan nito, mayroon din ba itong kaibahan depende sa kultura, lugar, o paniniwala ng iba’t ibang grupo ng tao?

Ang mga tao ngayon ay nahuhumaling ngayon sa iba’t ibang klase ng pampaganda ng ngipin tulad ng bleaching o pagpapaputi, paglagay ng braces o retainer upang pumantay ang ngipin, ang pagpapasta at kung anu-ano pa. Ang mga matatanda nga ngayon na nawawalan na ng ngipin ay nagpapalagay na lamang ng pustiso, o pekeng ngipin para lang masabing kumpleto parin ang kanilang ngipin.

Iba’t ibang klase rin ng gamit ang lumabas layon ang paglilinis ng ngipin, Nariyan ang toothpaste, toothbrush, dental floss, mouthwash, (toothpick), bleaching products, at marami pang iba, upang magkaroon ng malinis, matibay at maaliwalas tignan na ngipin. Tama nga naman na dapat inaalagaan ang ngipin. Ako man hindi rin tumututol sa paggamit sa alinman sa mga produktong iyan. Ngunit kulang rin ito, kailangan din nating umiwas sa mga pagkaing hindi rin makakatulong sa pagganda sa ngipin, nariyan ang mga nauusong junk foods, softdrinks, kendi at mga tsokolate na talaga nga namang nakakasira, nakakaitim at nakakabulok ng ngipin.

Kung gaano karami ang mga pamahiin tungkol sa ngipin ay gayon din ang bilang ng mga nagsisilabasang komersyal tungkol sa pag-aalaga sa ngipin. Ngunit hindi mo mapapatunayan na tama ang lahat ng mga ito, dahil kahit sabihin mong ito ay mayroon nang siyentipikong basehan, maaari namang hindi ito ang hiyang para sa atin bilang isang indibidwal. Magkakaiba tayo ng ngipin, kung kaya’t hindi mo masasabing ang isang produkto ay magiging epektibo para sa lahat, o para sa iba lamang. Kailangan ikaw mismo ang humusga sa produktong magiging epektibo para sa pagpapaganda ng iyong ngipin. Huwag kang magpapaniwala sa mga sinasabi sa komersyal, katulad ng iyon hindi pagbahala sa mga pamahiin at sabi-sabi ng mga matatanda tungkol sa ngipin.

No comments:

Post a Comment