Wednesday, March 18, 2009

Mas Maganda ang Mundo dahil sa Musika

Makasali nga sa chorale. Hahaha! Ito ang unang pumasok sa aking utak nang mapanood at marinig ko ang mga tinig ng UP Manila Chorale noong Disyembre 13 ng nakaraang taon. Tila ba napaaga ang aking Pasko dahil nagpamalas sila ng mga awiting nauukol sa Kapaskuhan, lahat ng ito ay komposisyon ng mahusay at kilalang kompositor na si G.F. Handel. Isa sa kanyang sikat na kanta ay ang Joy to the World, na alam nating lahat kahit noong mga bata pa lang tayo. Mula sa aming ibang klase ay nadiskubre naming si G.F. Handel ay isa sa mga kompositor noong panahon ng baroque, hindi barok kundi baroque. Ito ay ang panahon kung kelan engrande ang lahat ng mga bagay, magmula arkitektura, sining, maging musika. Kung kaya’t napakasarap talagang pakinggan ang pagtatanghal ng UP Manila Chorale ng mga awitin niya.

Pagpasok pa lamang sa Fil-Am Theatre ay nagkaroon na ako ng magandang pakiramdam na magiging kaaliw-aliw ang palabas, kahit na ito ay tila isang konsiyerto lamang. Nang ipakilala na ang buong UPM Chorale ay nabighani ako sa mga suot nilang dilaw na saya’t barong.

Tumahimik ang lahat nang pinatugtog na ang piyano at nagsikantahan na sila. Napakagaling ng kanilang paghahalo ng boses, o yung tinatawag nilang blending, dahil kontrolado at tamang-tama lang ang timpla ng mga boses ng soprano, altor, tenor at bass. Wala akong narinig na sumablay sa ni isa man sa kanila. Masasabing nag-ensayo talaga ang grupo para sa pagtatanghal na ito.

Nakakaelibs (nakakabilib) ang mga umawit ng solo, mapababae man o lalaki. Buong-buo ang kanilang mga boses at rinig na rinig saanmang sulok ng awditoryum. Hindi lamang iyon, kundi nagagawa nilang pahabain o paiiksiin ang ilan sa mga musikal na nota sa kanilang bahagi sa awitin. Kapag sumabay na sa pag-awit ang lahat ng kumakanta ay hindi sila nasasapawan ng mga ito at hindi rin nila sinasapawan ang kabuuang boses ng mga hindi nagsosolo. Ngunit ang pinakapaborito kong awitin sa buong pagtatanghal ay iyong In Excelsis Deo na kinanta nilang lahat nang napakahusay at nakakatindig-balahibo.

May ilan lamang akong napansin sa chorale, isa rito ay ang tila mga statwa silang di gumagalaw mula sa kanilang kinatatayuan. Kumbaga ay hindi man lamang nila nagawang sumayaw o umindak habang sila ay kumakanta. Noong bandang huli na lamang sila umalis sa kanilang puwesto sa entablado at masiglang umawit habang sumasayaw. May mga bahagi rin na tila nakakabagot sa pagtatanghal dahil nakakaantok ang ilan sa mga mababagal na kanta ng chorale.

Sa kabila ng aking mga napansin ay naaliw pa rin ako sa kabuuan ng konsiyerto ng UPM Chorale, malamang ito ay dahil isa rin akong batang napakahilig sa musika na mahilig kumanta at makinig sa mga kumakanta. Hindi man ako isang propesyunal o magaling na mang-aawit ay masasabi kong maayos ang kanilang pagtatanghal, at konting eksposyur lamang ay maaari rin silang makilala sa larangan ng pag-awit bilang isang chorale… =)

No comments:

Post a Comment